Ito na nga ang Coinbase
Ito na nga ang Coinbase

Ito na nga ang Coinbase

Ang input sa coinbase transaction ay ang coinbase, kung saan walang halaga ng Bitcoin ang nakasaad. Sa katunayan, kahit ano ang pwedeng laman nito. Ang pagsuri ng ilang halvings mula sa halaga ng block height naman kasi ang pagbabasehan kung ilan ang gagawing bagong Bitcoin.

May naumpisahang istilo ng laman ng coinbase na ginaya na ng mga sumunod na miners. At nung naglaon ay may pamantayan o standards nang isinaad para sundin ng mga miners na laman ng coinbase, gaya ng nasasaad sa BIP-034 para sa version 2 blocks (pataas). Mula rito isinama na ang block height sa unang bytes ng coinbase para kakaiba ang hash ng bawat transaksyon. Pero hanggat may sobrang espasyo pa, maaari itong lagyan ng arbitraryong data ng sinumang may gusto.

Tignan halimbawa ang coinbase transaction na inilalarawan naman kapag gumamit ka ng Bitcoin block chain explorer, gaya ng https://blockstream.info. Ang unang larawan ay coinbase ng Block 170. Ang sumunod naman ay coinbase ng Block 777777, na pinili natin dahil lang espesyal ito sa numerology. Punahin ang Scriptsig (ASM) sa Coinbase ng dalawang halimbawa. Makikitang mas simple ang nasa sinaunang block.

Daloy ng coinbase transaction sa Block 170, na pinapakita sa https://blockstream.info (kinuha noong Enero 22, 2024)
Daloy ng coinbase transaction sa Block 777777, na pinapakita sa https://blockstream.info (kinuha noong Enero 22, 2024)

Siyasatin nating bahagya ang pagkakaiba ng coinbase nila. Ang mga susunod na ilustrayson ay ang inayos na detalye ng block headers ng blocks 170 at 777777, na makikita sa parehas na block explorer.

Ang detalye sa taas ng block explorer para sa 170 (kinuha noong Enero 22, 2024)

Ang nilalagay sa mga sinaunang bloke gaya ng 170 ay ang bits na pinapakita sa header, pero pabaliktad. Bakit? Ang bits sa block header 0x1d00ffff (0x – hexadecimal na 1d00ffff) ay naka Big Endian (most significant byte first). Samantalang sa Scriptsig ay naka Little Endian (least significant byte first): ffff001d pagtapos ng OP_PUSHBYTES_4. Hindi na natin palalawakin muna, pero ang bits (tinatawag na nBits sa Bitcoin core) ay representasyon ng target ng Proof-of-Work.

Ang detalye sa taas ng block explorer para sa 777777 (kinuha noong Enero 22, 2024)

Ngayon, pansinin na sa Block 777777 hindi nilagay ang bits o anumang laman ng header sa coinbase. Pero tignan natin ang isang data sa Scriptsig (ASM). Sumunod sa OP_PUSHBYTES_3 ay 31de0b. Ito ay naka Little Endian na numerong hexadecimal na 0bde31. Na kapag ginawang decimal ay: 777777 – o ang block height! Ito ang halimbawang resulta ng pagsunod sa BIP-0034, kung saan ang block height ang unang data sa coinbase. Ang mga sumunod ay extra nonce at mga arbitraryong data. Habang tumataas kasi ang difficulty, hindi na sapat ang espasyo sa block header para maabutan ang target. Hindi na sapat ang pagbago lang ng “nonce” (number used only once). Kaya sa coinbase data pwedeng ilagay ang ibang mga numero (“extra” nonce) na magpapabago ng resultang hash para makuha ang numerong pantay o mas maliit sa target.

Tumingin tayo ng ilang mga halimbawa ng arbitraryong data. Sa 777777 na coinbase, matapos ang 31de0b ay OP_PUSHBYTES_19 kung saan susundan ng hexadecimal na numerong 62696e616e63652f393939e4003b0217e5417b. Kapag pinadaan mo ito sa hexadecimal to ASCII converter, mabubunyag ang text na “binance”: binance/999ä;åA{. Hindi na natin sisiyasatin pa ang ibig sabihin ng mga numero na wala namang saysay ang kinalabasan na ASCII.

Ang pinakasikat na arbitraryong data sa coinbase ay galing sa genesis block. Tignan ang ilustrasyon sa baba.

Daloy ng coinbase transaction sa Block 0 o genesis block, na pinapakita sa https://blockstream.info (kinuha noong Enero 22, 2024)

Sa Scriptsig (ASM), matapos ang OP_PUSHBYTES_69 ay ang hexadecimal na numerong 5468652054696d65732030332f4a616e2f32303039204368616e63656c6c6f72206f6e206272696e6b206f66207365636f6e64206261696c6f757420666f722062616e6b73. Na kapag ginawang ASCII ay: The Times 03/Jan/2009 Chancellor on brink of second bailout for banks. Ito ang pamosong ulo ng balita sa araw na iyon na nagsilbing time stamp ng genesis block at akmang mensahe na rin ng Bitcoin para sa mundong dumaranas ng financial crisis dahil sa sistema ng fiat na salapi.

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *