Coinbase Transaction – Introduksyon
Coinbase Transaction – Introduksyon

Coinbase Transaction – Introduksyon

Nabanggit na sa nakaraan ang pangkalahatang ideya ng block reward, para diri-diretso na tayo. Coinbase na, tara.

Ang pinakaunang ginagawang transaksyon sa isang block ay ang coinbase transaction. Ang mga node na nagmimina (mining node) ng Bitcoin ay gumagawa ng coinbase transaction para sa kanilang pabuya sa pagtatrabaho ng pag-aayos ng mga transaksyon sa block.

Sa mga naunang blocks ng Bitcoin, coinbase transaction lang ang laman, kasi sobrang kaunti pa ang may alam at wala nang ibang kasali sa network maliban kay Satoshi Nakamoto. Ang genesis block (pinakaunang block) ay nabuo nung Enero 3, 2009. Mula rito, paggawa lang ng block reward na 50 na bagong mga Bitcoin kada ~10 minuto ang nangyayari. Naipon ang mga Bitcoin sa iisang nagmimina, kaya wala pang naipamigay na transaction fee.

Noong Enero 9, 2009 unang nai-release ang open-source na Bitcoin client. Tsaka palang pwedeng sumali ang iba sa network. Ang pinakaunang transaksyon kung saan ginasta ang naipong Bitcoin ay naganap sa Block 170. Pinasahan ng 10 Bitcoin ni Satoshi Nakamoto si Hal Finney noong Enero 12, 2009. At dito, wala pang fees na ginamit! Pwede talaga ito sa Bitcoin network. Pero syempre iba na ang lagay ngayon. Imposible nang may magsama ng transaksyon mo sa block kung hindi ka magbabayad ng transaction fee. At lagi nang kombinasyon ng bagong Bitcoin at mga transaction fees ang output ng coinbase transaction.

Sa ibabaw ng pag-aayos ng block ay ang kompetisyon gamit ang Proof-of-Work algorithm para ang hash ng block header ay may katumbas na numerong kaparehas o mas maliit ang halaga sa target. Ang Proof-of-Work algorithm ay nangangailangan ng paggamit ng hashing algorithm. Kaya kung halimbawa eh pantay-pantay ang lakas ng mga mining nodes, walang kasiguraduhan kung sino ang unang makakakuha ng target. Kung sinumang minero ang magiging matagumpay, sya ang mangongolekta ng pabuyang nakasaad sa kanyang coinbase transaction. Paano ang ibang gumawa ng coinbase transaction? Mawawalang bisa ito at susubok nalang ang mga natalong minero sa susunod na block.

Ang mga sumusunod ang bumubuo ng istraktura ng coinbase transaction:

  • Coinbase – na syang arbitraryong input
  • Output – kung saan nasasaad ang pabuya, ito ay UTXO na.
    • Transaction fee – maaaring kasama ito o hindi sa pabuyang nakasaad sa output. Sa panahon ngayon, parang imposible nang hindi.

Subukang guide ang dalawang ilustrasyon sa baba. Yung ibabaw lang nila ang tignan mo. Saka na natin analisahin ang iba pa. Ang una ay lumang block noong 2009 pa, samantalang ang isa ay nung 2023 lang.

Daloy ng Transaksyon sa Block 170
Daloy ng transaksyon sa Block 777777

Subalit kung gusto mo nang intindihin ng maigi, maaari mong basahin ang Kabanata 5.


Kitakits sa ika-21.

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *