(Mambabasa: medyo baguhan, kahit sinong gustong mag-isip ng malalim)
“…ang kaakibat na kasaysayan ng numerong nakasaad sa iyong digital na pitaka, ang tunay na anyo ng iyong Bitcoin.”
Walang permanenteng anyo ang Bitcoin bilang electronic na salapi. Wala rin itong nakasaad na mga denominasyon na may kanya-kanyang itsura. Wala itong pisikal na anyo. Yung nakikita nating gintong barya na may simbolo ng Bitcoin? Metapora lang yun.
Ang numerong nagsasaad ng bilang o halaga ng Bitcoin ang tanging representasyon nito. At ang kaakibat na kasaysayan ng numerong nakasaad sa iyong digital na pitaka, ang tunay na anyo ng iyong Bitcoin.
Subukan nating intindihin sa kabanatang ito. Mahirap tanggapin ang konsepto ng purong electronic, para sa mga taong pinanganak bago ang taong 2000. Kaya kasama sa titignan natin ay ang kasaysayan ng salapi.
Digital na Pera
Sa panahon ngayon, nasasanay na rin naman ang mga tao sa digital na salapi, na parang wala na ring saysay ang mga denominasyon. Basta hangga’t dalawang decimal places ang pwede i-display na numero, dahil ang pinakamaliit na denominasyon ay 1 sentimo (na sa panahon ngayon, ay wala na ring pisikal na kaanyuan sa Pilipinas). Pero makalimot man tayo, nanatiling representasyon ng pisikal na salapi ang mga numerong nakasaad sa ating account sa bangko. At kung gustuhin natin, dapat ay makukuha ang nasasalat na anyo ng pera mula sa bangko pag nag-withdraw. (Dapat ha, pero ibang usapan pa ang ginagawa ng mga bangko na “fractional reserve.”)
Paano kung ang salapi ay purong electronic? Paano mo pagkakatiwalaan ang numerong nakikita sa iyong digital na pitaka?
Pasilip na mga Konsepto ng Transaksyon sa Bitcoin
A. Digital na Pitaka
“hindi lang isang susi ang gamit sa Bitcoin”
Sa kontexto ng Bitcoin, ang digital na pitaka (digital wallet) ay application (app) o software sa ibabaw ng network na naglalaman ng mga susi at address. Ang address ang pinapaalam sa iba para tumanggap ng Bitcoin, at sya ring nagsasaad kung saan nanggaling. Ang susi naman ang may permiso para gastusin ang nasasaad na Bitcoin sa isang address. Ang susi ay nakatago, at hindi mo dapat ibigay sa iba. Parang bahay na may hulugan ng sulat. Pwede itong makatanggap ng sulat, subalit ang may hawak lang ng susi ang pwedeng magbukas sa hulugan para magamit ang laman nito. At kapag may nagnakaw ng susi mo, may ibang pwedeng kumuha ng nilalaman ng hulugan.
Pero hindi lang isang susi ang gamit sa Bitcoin.
Ang susi ay nahahati sa 2 klase: private key (pribadong susi) at public key (pampublikong susi). Ang private key ang ginagamit para hanguin ang public key. At ang public key ang ginagamit para gumawa ng Bitcoin address. At ang address lamang ang pinapakita ng wallet sa mga user (manggagamit/may-ari/tagatanggap) para mapagpasahan ng Bitcoin. Sa kabilang banda, ang pampublikong susi ay di nakikita ng user, pero nasisilip ng pitaka mo at ng pitaka ng iba. At ang pribadong susi ay nakatago at alam lamang ng wallet mo, hindi ng iba.
Kumbaga, ang private key ang pumipirma, para bigyan ng permisong magastos ang Bitcoin mula sa isang address. Nabanggit kanina na ang public key ay ginagamit para gumawa ng address. Ang isa pang gamit ng public key ay para mapatunayan na ang private key nga ang ginamit para pirmahan ang transaksyon. Sa parehong sitwasyon, hindi nalalaman kung ano ang private key. Hindi na natin muna ipapaliwanag kung pano ito nangyayari. Komplikado ang matematikang gamit dito, parte ng cryptography. Sa ngayon, paniwalaan muna natin na:
Kung saan:
Kaya pa ba? Mabibigyan natin ng konting linaw ito sa susunod na kabanata ukol sa cryptography. Sa komplikadong operasyon ng digital na pitaka, tandaan na ang laman pa rin nito ay ang mga susi at address lamang.
“… nasaan ang Bitcoin?”
Walang lamang Bitcoin ang pitaka mo. Subalit para makabuluhan ang gamit nito, ang pitaka mo ay hinahanap ang mga transaksyong nagsasaad na sa address mo huling ipinasa ang Bitcoin. Tapos, kinakalkula ng pitaka mo ang kabuuan para ipakita sa harap mo (user interface ng wallet). Ginagawa lang iyon ng pitaka para maintindihan mo na ganun karami ang pwede mong galawin.
Kung ganun, nasaan ang Bitcoin? Nasa blockchain.
B. Transaksyon
Ang pinakaunang transaksyon sa Bitcoin network, ay ang pagbuo ng unang mga Bitcoin (unang pagmimina). Lahat ng bagong Bitcoin ay nabubuo sa isang espesyal na transaksyon na tinatawag na coinbase transaction. Ipapaliwanag pa natin ito sa mga susunod na kabanata.
Bukod sa coinbase transaction, lahat ng pasahang nagaganap ay mga normal na transaksyon. At ang transaksyong nakasaad na para sayo ang pinakamahalaga, dahil iyon ang Bitcoin mo. Napaliwanag na kanina na nananatiling nasa blockchain lang ang Bitcoin. Pinagpapasa-pasahan lang ang permiso ng paggastos ng iba-ibang halaga.
Ito ang konsepto na hango sa ipinakita sa Bitcoin whitepaper:
May mga detalye pang hindi ipinakita riyan, sa implementasyon ng Bitcoin code. Pero ito muna ang intindihin nating konsepto.
Pag magbabayad o mamimigay ka ng Bitcoin sa iba, pipirmahan ng iyong private key ang mensahe na nagsasabing pinapasa ang isang halaga ng Bitcoin para sa iba. Ito ay gumagamit ng hash (isang mahika ng matematika!) ng: naunang transaksyon + public key ng bagong may-ari. Saka naman ito pipirmahan ng private key mo. Yung kabuuang iyon ang transaksyon. Mapapatunayan ng iba na totoo ang transaksyong ito gamit naman ang iyong public key. Tapos, mapapabilang na ito sa isang block na ipapakalat sa network na idadagdag sa blockchain. Ganito ang nangyari sa mga naunang transaksyon bago makarating sayo.
Nasaan na ang Bitcoin address na pinagpasahan mo? Ito ay ginawang representasyon lamang ng digital wallet, para mas madaling basahin ng isang tao at mabawasan ang pagkakamali sa pagkopya nito. (At para na rin maunawaan natin ang nagaganap.) Dahil sa dagdag na layer na yun, hindi rin nakikita ng nagpapasahang mga tao ang public key ng isa’t-isa.
May mga mas komplikado pang kondisyon na nagdulot rin sa pagbabago ng daloy ng transaksyon at paggawa ng digital na pitaka. Ipagpapaliban muna natin ang mga iyon.
C. Unspent Transaction Output (UTXO)
Hanggat hindi mo ito binibigay sa iba, sa iyo ang Bitcoin na iyon. Ang mga Bitcoin na hindi pa ginagastos ay tinatawag na “unspent transaction output” (UTXO). Maraming UTXO sa blockchain at yung mga para sayo ang hinahanap ng digital na pitaka para magpakita ng kabuuang Bitcoin mo, gaya ng nabanggit sa naunang seksyon. Dahil iba-iba ang pinanggalingan at halaga, bawat UTXO ay kakaiba. At pwede nating sabihin na ang iba-ibang UTXO na nakasaad na para sa address mo, na ang pribadong susi mo lamang ang pwedeng gumastos, ay ang kanya-kanyang anyo ng Bitcoin mo.
Sa kontexto ng Bitcoin, ayan ang electronic na salapi. Ang hirap nitong intindihin noh? At pawang mahirap tanggapin. Pero baka makatulong kung titignan natin saglit ang kasaysayan ng pera.
Konting Kasaysayan ng Pera
“Para makapagtulungan ang mas malaking populasyon, kailangan ng isang bagay na gusto o pinahahalagahan ng lahat – kahit di kayo magkakakilala.”
Ang rebolusyong pang agrikultura, na nangyari mahigit 12,000 taon na ang nakalipas ay naging daan upang mag-umpisa ang sibilisasyon. Sa kapasidad ng mga tao magsama-sama, lumaki ng lumaki ang mga komunidad hanggang nabuo ang mga siyudad.
Habang lumalaki ang populasyon, humihirap panatiliin ang barter. Hindi lahat ng produkto o pag-aari mo ay gusto ng iba para ipagpalit ang meron sila na nais mo. Lalo na kung nakikipagpalitan ka sa hindi mo kakilala. Isipin mo, kung napakarami mo nang plato, tatanggapin mo pa ba itong bayad sa iyo? At gaano naman kadali para sa iyo makahanap ng gugustuhin ang plato para sa ibang nais mo, tulad ng pagkain, itak, o tsinelas? Ganun din ang iyong serbisyo. Kung tutulungan mong magtanim ang mga kapitbahay, natural lang na gusto mo rin makihati sa ani. Pero kung tumutulong ka gumawa ng bahay, hindi naman ang makibahay ang gusto mong kapalit, di ba? Di ka naman nila kamag-anak.
Para makapagtulungan ang mas malaking populasyon, kailangan ng isang bagay na gusto o pinahahalagahan ng lahat – kahit di kayo magkakakilala. Ang bagay na ito ay pwedeng ipagpalit sa kahit ano. Sa pangangailangang ito nabuo ang pera.
Ang pera ay imbensyon ng tao. Marami itong naging anyo, at ang konsepto ay may kanya-kanyang pinagmulan sa mga sibilisasyong nakakalat sa mundo. Iba-iba rin ang anyo ng mga sinaunang salapi, depende sa likas na yaman ng lugar.
Ang sumusunod ay mga halimbawa ng pera na ginamit sa kasaysayan:
- Cowry shell – ginamit sa mahigit kumulang 4,000 taon sa Africa at Asya
- Barley – ginamit sa Sumer mga 3,000 BC
- Mina at Shekel – sukat ng pilak na ginamit sa Ebla (sa kasalukuyang Syria), mga 2500 – 2250 BC
- Ginto at Pilak (gold and silver) – sa Ehipto at Mesopotamia mga 3,000 BC ginamit ang mga bareta ng ginto. Sa kalaunan, ginamit ito sa anyo ng coins, kasabayan ng pilak. Hanggang ngayon, ang ginto ay kinikilala pa ring anyo ng pera sa buong mundo. Subalit mas naging investment nalang ito, sapagkat hindi ito madaling ipalipat-lipat tulad ng papel na salapi, at kalaunan elektronikong pera. Ganun din ang pilak, pero nananatiling mas mababa ang halaga nito.
- Piloncitos – maliliit na ukit na butil ng ginto, ginamit sa ilang lugar sa Pilipinas, sa pagitan ng ika-9 at ika-12 siglo.
- Tanso (bronze) – Sa anyo ng maliliit na molde, ginamit ito sa Tsina mga ika-7 hanggang ika-3 siglo BC
- Papel na salapi – ang konsepto ay nagmula sa Tsina na ginamit noong ika-10 hanggang ika-15 siglo. Ang papel na pera ay unang ginamit sa Europa nung ika-17 siglo
Mainam na tignan nating may pera, at may sistema ng pera. Ang sistema ng pera ay napagtitibay dahil sa tiwala ng tao na ang ginagamit na salapi ay maipagpapalit nya sa mga bagay na kailangan nya ngayon o sa hinaharap. Hanggat ang salapi ay kanais-nais, mayroon itong halaga. At kagaya ng law of supply and demand, tumataas ang halaga ng pera kung mas marami ang nagnanais rito, kumpara sa dami nito sa sirkulasyon. Ang sistema naman ay lumalakas habang dumarami ang naniniwala sa halaga, at tumatanggap ng salapi.
Dapat nating tandaan na ang sistema ay maaaring manghina o masira kapag nawala ang pagnanais ng mga tao sa gamit na salapi. Kapag napadali ang produksyon ng pera, na magdudulot ng mataas na bilang nito, mababawasan ang pagkakanais ng mga tao rito. Mababalewala ang halaga nito dahil hindi na ito problemang hanapin. Kumbaga, kapag malaki ang hirap at enerhiyang katumbas ng pagkuha ng pera, mataas ang tsansang maging kanais-nais ito.
Halimbawa, ang tubig ay napakahalaga sa buhay ng tao. Subalit dahil sagana ang planeta natin rito, hindi sya mahal sa merkado. Sa isang banda, ang ginto ay hindi naman nakakain. Palamuti lang ang gamit dito sa libo-libong taon ng kasaysayan ng tao. Nito lamang nagkaroon ng ibang mahalagang gamit ang ginto: sa electronics. Pero dahil mahirap syang makuha, mahal ang presyo nito.
Kumpara sa ginto at pilak, ang papel na salapi ay mas maiksi ang kasaysayan. At may panganib na kalakip ang paggamit nito: ang tukso na mag print ng sobra. Ilang beses nang nagkaroon ng pagbagsak ng halaga ng papel na salapi dahil dito (tinatawag na inflation). Nangyari ito sa Tsina noong ika-15 siglo. Ang Alemanya nung 1923 sa ilalim ng Weimar Republic ay nakaranas ng hyperinflation, o matindi at mabilisang pagbagsak ng halaga ng salapi. Nangyari ito sa Zimbabwe nung 2007 at sa Venezuela kamakailan lang mga 2016-2018.
Ang papel na salapi ay dating mga pangako ng katumbas na ginto o pilak (promissory notes). Pero ngayon, wala na ang pangakong ito. Kumbaga, mandato nalang sya ng mga gobyerno. Pawang sistema na lamang ang naiwan, at hindi ang kanais-nais na salapi. Ito’y mahalagang konsiderasyon sa uri ng perang gagamitin para sa makabagong panahon. Hanggang kailan mo ba kayang pagkatiwalaan ang gobyerno ng bansa mo?
Ang ginto ay nananatiling mataas ang halaga dahil hindi ito sindaling paramihin ng perang papel. At sa dami nang naminang ginto, kaunti nalang ang naidaragdag sa supply nito sa paglipas ng panahon. Kaso nga lang, hindi sya madaling ilipat lipat. Lalo na sa pamantayan ng panahon ngayon, na marami nang napabilis na proseso sa pamumuhay ng tao. Sa tingin mo, ano ang hinaharap ng salapi?
Mukhang nalihis tayo. Pero mainan na maintindihan natin ang pinagmulan at ebolusyon ng pera para mas makapili tayo ng patutunguhan nito. Bilang pagtatapos sa kabanatang ito, mag-iiwan ako ng mga katanungan para sa iyo:
- Paano magiging kanais-nais ang electronic na salapi?
- Ipagkakatiwala mo ba sa gobyerno ang paggawa nito?
- Ano ang tatanggapin mong uri ng electronic na salapi: ang madali o mahirap gawin? Ang walang hangganan ang supply, o meron?