(Mambabasa: baguhan, kahit sinong gusto matuto)
Napakahirap sagutin ng tanong na ito kung ikaw ay nagsisimula pa lamang. Sapagkat kung hindi mo naiintindihan ang pera, baka hindi mo makuha ang kahalagahan ng Bitcoin bilang bagong imbensyon. Sandali. Tanungin mo ang iyong sarili: Ano ba ang pera?
Ano ba ang pera?
Kung mabilis mo itong nasagot (maliban sa “Panggastos!”), lamang ka na sa nakararami. Subalit ang kaalaman na ito minsan ay maaring maging hadlang rin. Isa pang tanong, handa ka bang bitawan ang pagkakakilanlan mo sa salapi? Kung ikaw ay nasa posisyong nakikinabang sa kasalukuyang sistema ng pera, baka mahirapan kang tanggapin ang mga implikasyon ng Bitcoin. Pero, ano nga ba ang Bitcoin?
…ano nga ba ang Bitcoin?
Subukan nating sagutin.
Sa Madaling Sabi
Ang Bitcoin ay isang teknolohiya ng pera na purong electronic, gumagamit ng cryptography, bukas para sa lahat, at tumatakbong decentralized na peer-to-peer nang walang pinagkakatiwalaang awtoridad. Ito ay nakakamit sa pamamagitan ng pagpapanatili ng pampublikong kasaysayan ng mga transaksyon sa anyo ng blockchain, gamit ang proof-of-work, na may kalakip na insentibo sa mga gustong sumali.
Sa madaling sabi, hindi sya ganun ka simple.
Ang Bitcoin ay imbensyon ni (o nina) Satoshi Nakamoto – na syang misteryosong tao (o grupo) na hindi nagpakilala. Inanunsyo ang Bitcoin sa pamamagitan ng pagbahagi ng Bitcoin Whitepaper: “Bitcoin A Peer-to-Peer Electronic Cash System” sa isang mailing list ng mga cryptographers noong Oktubre 31, 2008. Si Satoshi Nakamoto ay nagtago na sa publiko matapos ang halos 3 taon. At ang pagkakakilanlan niya ay hindi na mahalaga. Mula nang ito ay ipinaalam sa mundo, pinagaganda at pinagtitibay ang Bitcoin ng sinumang gustong sumali rito.
Himayin natin ang mga nabanggit na paglalarawan ng Bitcoin. Sa mga susunod na kabanata, isa-isa natin silang palalawakin pa.
Electronic na Salapi
Walang pisikal na pinagmulan o pinagbasehan ang Bitcoin bilang salapi. Ito ay nabuong impormasyon mula sa elektrisidad, na nagpatakbo ng mga computer na kasali sa pagpapanatili ng seguridad ng network. Ang ideyang ito ay pawang mahirap tanggapin ukol sa Bitcoin, na maaring maging hadlang sa pag-intindi nito.
Cryptography
Nagsimula ang konsepto ng cryptography (kriptograpiya) sa pagpapasa ng mga sikretong mensahe. Ang mensahe ay pinapalitan ng anyo para hindi maintindihan ng iba, halimbawa, ng mga tsismoso o kalaban sa gyera. Tapos, yung tagatanggap naman ay alam ang susi para maibalik ang mensahe sa nababasang anyo.
Sa makabagong panahon, na parte na ng buhay natin ang mga computer at Internet, ang cryptography ay isang sangay ng matematika na madalas gamitin para sa seguridad ng impormasyon. Ang cryptography ay gamit sa Bitcoin upang maprotektahan ang network, ang Bitcoin na pag-aari mo, at kahit papano, ang iyong pagkakakilanlan. Lalo na at ang network ay bukas.
Bukas
… maaari mo itong gamitin, kahit nasan ka man sa mundo.
Bukas para sa lahat ang Bitcoin. Hanggat walang pumipigil sa iyo, maaari mo itong gamitin, kahit nasan ka man sa mundo. Subalit sa paglaon, habang lumalawak ang network ng Bitcoin at nagiging lehitimong karibal ng tradisyonal na salapi, may mga bansang nagbabawal na nito.
Isa pang kontexto ng bukas, ay ang tinatawag na open source. Open source ay gamit sa mundo ng computer science at programming para sa mga proyektong hindi sinisikreto. Ito ay upang makapag-ambag ang sino mang gustong tumulong gawin, ayusin o pagandahin ang isang programa. Ang ‘source code’ ng Bitcoin ay maaaring makita ng kahit sino. Pumunta ka lang sa GitHub, halimbawa.
Decentralized, Distributed at Peer-to-peer
Kapag ang network ay tumatakbo nang walang pinagkakatiwalaang awtoridad (central authority), ito ay decentralized. Tumatakbo itong peer-to-peer kapag ang bawat computer na kasali sa network ay pantay-pantay (peers o magkapwa kumbaga). Parang sa botohan, pantay-pantay ang bigat ng boto ng bawat isa. Ang pagpasa-pasa ng impormasyon ng mga magkakalapit sa network, sa iba-ibang direksyon parang lambat, ay nagpapamalas ng distributed na kalakaran.
Alam mo ba ang BitTorrent? Popular ito noon. At aminin, maaring alam mo ito dahil sa mga piratang pelikula na pwedeng ma download. Kung nakagamit ka ng BitTorrent, naging parte ka na ng isang peer-to-peer na network.
Isang komento lang, hindi ko na gagamitin ang Tagalog na kapwa sa kapwa – panatilihin nalang nating peer-to-peer ang tawag. Gayun din sa ibang mga mahalagang paksa o katawagan. Ito ay para kung gusto mo pang mag-aral, mas madaling sundan ang di hamak na mas maraming Ingles na reperensya ukol sa Bitcoin.
Blockchain
Bakit kailangan pang kada 10 minuto?
Ang mga transaksyon sa Bitcoin ay inaayos sa anyo ng blockchain. Bawat bloke o block ay may kapasidad, at kung ano ang kasyang transaksyon dito ay sinasama ng mga nodes (mga computer na kasali sa network). Bawat bagong block na nabubuo, ay may koneksyon sa naunang block, parang kadena, kaya blockchain. Ang kadenang ito ng blocks at mga transaksyong laman ng bawat isang block ay bukas sa lahat at pwedeng silipin kahit kelan.
Ang network ng Bitcoin ay nakadisenyo kung saan sa loob ng katampatan/average na 10 minuto, may nabubuong bagong bloke. Bakit kailangan pang kada 10 minuto? Dahil ito sa mahalagang sangkap ng Bitcoin: proof-of-work.
Proof-of-Work
Para mapanatiling bukas at decentralized ang Bitcoin, may kompetisyon ng paghahanap ng solusyon sa isang problemang matematika. Kasama ito sa trabaho na ginagawa bukod sa pag-aayos ng isang block ng mga transaksyon. Kung sino man ang mauna na mapapakalat sa mas nakararami, ang kanyang block ang tatanggapin ng network. At sya rin ang bibigyan ng premyo sa anyo ng bagong Bitcoin, at mga fees. Ang prosesong ito ay gumagamit ng enerhiya, na may katumbas na gastos sa kuryente. Ito ang proof-of-work.
Dahil sa insentibo na bagong Bitcoin, hinahalintulad ang proof-of-work sa pagmimina, tulad ng ginto. Matrabaho at magastos ang pagmimina ng bagong ginto, diba? Ganun din sa Bitcoin, kelangang may trumabaho para dito. Ang boluntaryong pagtratrabaho (na may gastos) para sa pag-asang kumita ng Bitcoin ang nagpapanatili ng seguridad ng Bitcoin. Kapag mas maraming sumasali sa network, mas tumataas ang seguridad.
Sa pagtaas rin ng seguridad, ay humihirap ang problema. Kapag may karagdagang sumasali o kaya may mga mas malakas na processors na sumama sa network, bibilis ang paghahanap ng solusyon sa problemang matematika. At dahil gusto ng network na kontrolado ang pag-isyu ng Bitcoin at maging patas ang labanan, dapat humirap ang problema para mapanatiling 10 minuto ang tagal kung kailan magkakaroon ng bagong block. Kabaliktaran naman ang mangyayari sa pagsusuri kapag biglang nabawasan o humina ang processing power sa network: dadali ang problemang matematika. Ang pagsusuring ito ay nagaganap kada 2016 na bloke, o dalawang linggo.
Lilipas rin ang ‘pagmimina’.
Tala ukol sa ‘pagmimina’ ng Bitcoin
Ang dami ng bagong Bitcoin na namimina ay may hangganan. Kulang-kulang dalawampu’t isang (21) milyong Bitcoin lamang ang pwedeng mamina bilang insentibo. Sa ngayon, malaking porsyento ng 21 milyon ay namina na. Ito ay dahil dinisenyo ang programa kung saan ang dami ng bagong Bitcoin na binubuo ay nangangalahati kada 210,000 blocks (halos 4 na taon). Nagsimula ito sa 50 Bitcoin na papremyo kada block. Tapos nangalahati sa 25, tapos 12.5, atbp. At itinakda na animnapu’t apat (64) na beses lamang pwede kalahatiin ang pag-isyu ng bagong Bitcoin. Subalit hanggang ika-32 pangangalahati lang aabot na may premyong bagong Bitcoin dahil sa limitasyon ng pinakamaliit na unit: Satoshi (1/100,000,000 ng 1 Bitcoin).
Kaya balang araw (sa taong 2140), titigil na ang pagbuo ng bagong Bitcoin. Lilipas rin ang ‘pagmimina’. Sa panahong iyon, ang insentibo o premyo ng mga sumasali sa proof-of-work ay mula na lamang sa transaction fees.