Peer-to-peer Network – panimula
Peer-to-peer Network – panimula

Peer-to-peer Network – panimula

Mula sa client-server network, lipat naman tayo sa isang uri ng network na pinili para sa Bitcoin:

Peer-to-peer Network

Sa ganitong network, ang bawat device ay kayang maging client at server. Sa ulirang sitwasyon, ang bawat kompyuter ay magkakapantay o magkakauri. Kaya sila ay magkapwa o peers. Pwedeng humiling ng impormasyon, at magbigay ng impormasyon ang bawat isa, depende sa naitatago nito.

Decentralized – ito naman ang katangian ng peer-to-peer network kung saan, walang nakakalamang ng kontrol sa network. Kaya maiiwasan ang isyu ng single point of failure at censorship. Mas mahirap din ito atakihin ng masasamang loob dahil sa dami ng nodes.

Subalit, dahil ang network ay hindi minamando ng isang makapangyarihan na server, hindi mo masisiguro kung may back up ba lahat ng data. Depende sa laki, mahirap din ang pagdedesisyon, dahil kailangan ng consensus ng mga nodes.

Kaya kung ganito, kailangan ng protocol kung saan mas marami ang mananatiling mabuti sa loob ng network, at efficient ang pagpapasahan ng data.

Madali lang sumali sa peer-to-peer network. Pero siguro, sa mga nasanay na sa pagiging kombenyente ng client-server network, ang pagsali sa peer-to-peer network ay mas nakakatamad gawin. Ang pananaw na normal lang ang pagsali sa P2P network ay maiging pagkasanayan ng mga tao. Lalo na kung palalawakin natin ang pagtanggap sa Bitcoin.

Kilalang peer-to-peer network ang BitTorrent. Pinakagamit nito ay ang file sharing. May isyu ito, lalo na noong mga 2000s, sa copyright. Maraming users ang ginamit ang BitTorrent para sa mga piniratang files. May panahon na mahigit 30% ng upstream na trapiko sa Internet ay gamit ang nasabing network. Ito ay lehitimong network at protocol, na nananatili hanggang ngayon. Subalit natalo na ito ng mga streaming services, kaya hindi na ganun kalaki ang bahagi nitong Internet traffic. Isa uli yang halimbawa ng pagpili ng mga tao sa mas kombenyenteng alternatibo na magbibigay ng kontrol sa iba, sa halip na manatiling malaya at pribado.

Bago umusad pa sa peer-to-peer network, pag-uusapan natin ang mga baitang o layers ng Internet Protocol Suite, na kilala rin minsan na TCP/IP.


Tandaan na ang mga entrada sa blog ukol sa network ay pwede mo na agad mabasa sa Kabanata 6. Kung hindi, bweno, kitakits sa ika-10.

Salamat sa: Image by rawpixel.com na ginamit na pambungad.

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *