Client Server Network at bakit ito iniwasan sa Bitcoin
Client Server Network at bakit ito iniwasan sa Bitcoin

Client Server Network at bakit ito iniwasan sa Bitcoin

Isang pag-uuri sa network ay base sa kilos. Ang dalawang klase ng network base dito ay: Client-server at ang peer-to-peer. Pag-usapan natin ang una.

Client-server Network

Client-server Network

Sa ganitong network, ang device ay isa lang sa dalawa ang papel: client o server.

  • Client — humihiling ng data mula sa server. Ang work station, personal computer at iba pang devices, sa pananaw ng paggamit sa Internet ay mga clients. Halimbawa, para mapakita ang website, and isang device ay gagamit ng browser para humiling ng data sa web server, para mapakita sa taong nag-iinternet.
  • Server — nagbibigay ng data sa client. Karugtong ng naunang halimbawa, ang web server naman ang naglalaman ng data ng isang website, na ibabahagi sa sinumang client na humihiling. Nakatago sa web server ang lahat ng pages ng website. Bawat aksyon ng user sa website ay paghiling ng data sa web server. Mula sa home page, ibibigay ng web server ang tamang web page kapag i-click ng user ang paglipat sa “About us” o “Shop” ng isang website, halimbawa.

Napansin mo ba na halos lahat ng network na sinasalihan mo ay pag-aari ng malalaking kumpanya? Ang mga social networks na pawang normal na sa lipunan ay hawak ng iilang kumpanya. “I-google mo” ay karaniwang sinasabi ng napagtatanungan at hindi agad makasagot. Maiisip mo kung bakit nanaig ang centralized na networks. Ito ay kombenyente. “Sila” na ang bahala magtago ng data sa account mo, gagamit ka nalang.

Centralized – ito ang katangian ng client-server. Ang kontrol ay nasa isa oo iilan lamang. Kombenyente ito para sa pag kontrol ng impormasyon. Mabilis rin ang pagdedesisyon para sa pagbabago sa software, patakaran ng network, atbp. Subalit may panganib ito na single point of failure. Kaya dapat may mataas na seguridad para labanan at pigilan ang atake ng masasamang loob gaya ng pagnanakaw at malware. Mainam ding may back up ang mga data.

Dahil sa dami ng mga clients sa malalaking networks, ang mga servers ay mga malalakas na uri ng computer na kayang makasagot sa milyun-milyong kahilingan. At dapat mas maigting ang seguridad. Hindi lang din data ang may back up, pati mga panggagalingan ng kuryente, para hanggat maaari, tuluy-tuloy lang ang operasyon.

Mahal din magpanatili ng servers. Kaya hindi na rin nakapagtataka kung bakit gumagawa ng paraan ang mga kumpanya sa likod ng media, mapa social o legacy, para maadik ang mga tao. Kung libre ang account na gamit, talagang hindi mo maiiwasan ang mga ads. Nakikigamit ka na nga eh, diba?

At sa ganung estado na rin ng internet nabuo ang paggamit ng iyong personal na impormasyon at pattern ng paggamit ng mga apps at galaw sa internet, para ma-personalize ang mga ads at interface mo. Para lalo kang magtagal sa paggamit at matuksong bumili!

Napag-usapan natin ang naging lagay ng electronic na salapi sa Kabanata 2. Sa kasalukuyang online banking, shopping at anupang transaksyon, bawat galaw ay mayroon rekord mo. Nawawala na ang pribadong pakikipagtransaksyon na mayroon sa paggamit ng pisikal na salapi. Maaaring napoprotektahan ng kriptograpiya ang daloy ng impormasyon. Pero, merong organisasyon pa rin na nakakakita ng data mo sa bawat dulo.

Hindi lahat ng gamit natin sa internet ay dapat kontrolado ng isang korporasyon, gobyerno, o anumang makapangyarihang nilalang. May mga bagay na dapat pribado.

At salamat sa Bitcoin, nagkaroon ng pagsabog ng interes ukol sa privacy, self-sovereignty at decentralization. Mga interes na matagal nang tinatrabaho ng mga cypherpunks. Buti nalang may uri na ng network para dito.


Kitakits sa ika-21

Salamat sa rawpixel para sa larawang ginamit na pambungad.

One comment

  1. Pingback: Peer-to-peer Network – Bitcoin ba kamo?

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *