Ang gossip protocol ay ang pagpapasa ng impormasyon sa peer-to-peer network na halintulad sa pakikipagtsismisan. Tinatawag din itong epidemic protocol dahil sa pagkakahalintulad sa pagkalat ng sakit. Ang may hawak ng impormasyon ay magpapasa sa isa o higit pang nodes, at mananatiling may hawak ng impormasyon (o infected). Tapos uulitin ang pagpasa ng lahat ng nahawaan ng impormasyon patungo sa iba hanggang lahat ay meron na. Ang gossip protocol ay matatag sa harap ng mga pagsubok na maaaring harapin ng network.

Ang bawat direktang koneksyon ng pares ng nodes ay tinatawag na edge. Ang pagpapasa ng mensahe ay maaaring gumamit ng maraming edges, hindi lang isa. Ang dami ng edges na kailangan para makarating ang mensahe mula sa isang node papunta sa isa pa ay ang path length. Mainam na ang protocol ay may mekanismo upang mahanap lagi ang pinakamaiksing path length sa kahit anong pares ng node. Ang pinakamataas na path length ay ang dami ng edges sa pinakamagkalayong pares ng nodes. Ito ay tinuturing na overlay diameter. Sa ilustrasyon ng maliit na network sa taas, ilan sa tinging mo ang overlay diameter?
Mga hakbang sa Gossip Protocol
- Node initialization – pagsisimula ng isang node na sasali sa network. May initial state ang bawat bagong sumasali sa network at susunding mga proseso ng initialization.
- Selection of peers – pagpili ng ibang nodes, sa random na paraan, na pagpapasahan ng mensahe.
- Information exchange – ito na ang palitan ng impormasyon ng mga kapwa nodes
- Propagation – pag-update ng impormasyon ng bawat node at pagpili ng bagong random peers para pagpasahan ng bagong impormasyon.
- Repetition – pag-ulit ng buong proseso hanggang sa lahat ng nodes ay may updated na impormasyon.
Dalawa sa mahalagang mga parameters ng Gossip Protocol ay ang fanout at maximum rounds. Binabalanse ang mga ito para ma-optimize ang p2p network:
- Fanout – Ito ang bilang ng nodes na aasintahin sa bawat “tsismisan” o pagbato ng impormasyon. Kapag tumataas ang fanout, tumataas ang reliability ng network. Subalit tumataas ang redundancy ng impormasyong dumadaloy. Maaaring makasikip sa dinadaanan ng impormasyon, o kaya nakakapuno ng memorya ng isang node. Maaari namang idiskarga lang ng isang node ang matanggap na impormasyon kung meron na ito.
- Maximum rounds – Bawat pag bato ng impormasyon ay isang round. Maaaring maglagay ang protocol ng hangganan sa kung ilang beses lang pwede magbato ng impormasyon ang bawat node. Pwede paganahin ang gossip protocol ng walang limitasyon sa dami ng beses uuliting ipasa ang impormasyon. Tataas ang posibilidad na marating lahat ng nodes. Tataas ang reliability. Subalit tataas din ang redundancy ng impormasyong dumadaloy, na may epektong tulad nung nabanggit kanina.
Sa susunod na post, ay tignan naman natin ang stratehiya at mga pamantayan ng isang gossip protocol.
Kitakits sa ika-10.
Salamat sa mga litratong ito na minodipika:
- Photo by RDNE Stock project from Pexels: https://www.pexels.com/photo/two-students-talking-to-each-other-6935983/
- Photo by Markus Spiske: https://www.pexels.com/photo/green-and-white-line-illustration-225769/