Alam na natin na ang Internet ay Mesh ang topology, dahil sa koneksyon ng mga routers. At naimahe mo na ang layers sa Internet Protocol Suite. Balik tayo sa usapan ng peer-to-peer network.
Sa malakihang peer-to-peer network na nakasakay sa Internet, meron pa uling usapan ng topology. Ito ay kung paano nakaorganisa sa pananaw ng bawat node ang iba pang kasapi. Kumbaga, network sa ibabaw (overlay network) ng pisikal na network topology. Ito ay nakasalalay na sa protocol at software na gamit sa application layer. Gamitin nalang natin ang overlay network na katawagan, sa halip na topology. Mairerepresenta ang overlay network sa pamamagitan ng graph ng mga nodes na may guhit sa pagitan ng mga nodes na may direktang koneksyon.
Uri ng peer-to-peer overlay network
- Unstructured – ito ay kung saan walang istraktura ang network, at nakasalalay sa mga kalapit na nodes o sinumang mag responde agad, ang pagbibigay ng mensahe ng bawat node, patungo sa intensyon nito.
- Structured – ito ay kung saan may sinusundang ruta ng impormasyon at address space ang mga nodes para may istraktura ang network. Mayroon ding limitasyon sa kung ilang mensahe ang ilalabas sa paghahanap ng mga bagay-bagay. Halimbawa ng mga ayos ng structured overlay network ay makikita sa ilustrasyon sa baba.

File sharing – ito ang pinakagamit ng BitTorrent. At dito, hindi kailangan ng lahat ng nodes na malaman ang buong laman ng ibang nodes. Kung ano lang kailangan na file, yun lang ang hahanapin sa iba. May mga algorithms na pinakulo ng may-likha ng BitTorrent para mapabilis ang file sharing. Nagkaroon din ng mga pagpapabuti sa network para mas maging matatag ito. Halimbawa, mula sa paggamit ng centralized na tracker – na syang tumutulong sa mga peers na maghanapan – nagkaroon ng decentralized na paraan ng paghahanap. Bumagay sa BitTorrent ang pagsama ng distributed hash table (DHT) na protocol kagaya ng Kademlia. At gamit ito, nakakabuo ang mga nodes ng overlay network na may tree structure.
Subalit sa Bitcoin, ang pagpapaalam ng lahat ng transaksyon sa network ang pinakakonsepto ng trustless monetary policy. Dahil dito, hindi kailangan ang DHT at istraktura sa overlay network. Sa halip, gumagamit ang Bitcoin ng mas simpleng ideya na gossip protocol.
Kitakits sa ika-21