Paano nga ba ang daloy ng tipikal na transaksyon?
Paano nga ba ang daloy ng tipikal na transaksyon?

Paano nga ba ang daloy ng tipikal na transaksyon?

Nabanggit noon na: Walang lamang Bitcoin ang pitaka mo. Subalit para makabuluhan ang gamit nito, ang pitaka mo ay hinahanap ang mga transaksyong nagsasaad na sa address mo huling ipinasa ang Bitcoin. Babaguhin nating bahagya ang deskripsyon na iyan. Sa halip na address na pinagpasahan, ang mga UTXOs na tumutugmang pwedeng gastusin ng mga private keys sa loob ng iyong wallet ang pinagsasama-sama para ipakita sa user interface ang halaga.

Ganun din ang konsepto ng block explorer. App din ito na sumisilip sa Bitcoin network at kinakalkula ang mga kondisyong nakasaad sa code para magpakita ng data na mas maiintindihan ng tao.

Ang mga matulunging apps na wallet at block explorer ay maiging madaling naiintindihan ng karaniwang tao, para mapadali ang pagsali sa ekonomiya ng Bitcoin network.

Daloy ng Transaksyon sa Block 170

Balikan ang ipinakitang ilustrasyon ng daloy ng transaksyon sa block 170. At idadagdag na natin para sa diskusyon ang ilustrasyon naman para sa block 777777. Ipinakita sa mga ito na ang loob ng transaksyon sa block ay walang halaga ng Bitcoin sa input. Sa halip, tumawag ito ng nakaraang UTXO na pwede nang gastusin at maging STXO. Sa output naman, walang mga address. Sa halip, ang halaga ng Bitcoin ay kinandado sa hash ng public key o script (o sa lumang block, sa public key diretso).

Daloy ng transaksyon sa Block 777777

Ang script ay maaaring komplikado o simple. At ang mga wallets ay nakalabas sa block. Dahil binibisita lang nila ang block chain para hanapin ang mga data na kailangang bigyang halaga sa harap ng tao. At pinapasa rin nila ang public key, o kombinasyong ng isa o maraming public keys at script, kapag kailangan na tumanggap ng Bitcoin. At sa kaso ng paggasta, ang signature/s na gawa ng private key.

Sa input ay makikita ang unlocking script. Ibig sabihin, ang solusyon sa locking script ng UTXO na gagastahin. Sa output naman ay makikita ang locking script, o kondisyon na magkakandado sa halaga ng Bitcoin. Dahil sa progreso ng Bitcoin code, maiging linawin pa natin:

  • Locking script – magkakandado sa halaga ng Bitcoin para sa isang private key. Makakandado ito sa public key na nilikha mula sa private key na iyon. Sa mga sinaunang blocks, nabanggit na sa public key diretso ikinakandado. Kaya ang nakagawiang tawag sa locking script ay scriptpubkey. Sumunod na progreso sa consensus ay pagkandado sa hash ng public key (P2PKH). At sumunod ay para sa script hash ng mas komplikadong locking script (P2SH), gaya ng pangangailangan ng higit sa isang public key. At sa pagprogreso ng consensus gamit ang Segwit, ikakandado na sa witness-public key hash (P2WPKH) o witness-script hash (P2WSH). At sumunod na progreso pa ng segwit ay pagkakandado sa taproot script (P2TR).
  • Unlocking script – solusyon sa locking script para matanggal ang pagkakakandado: para magasta ang Bitcoin. Nung una, ang digital signature na gawa ng private key lang ay sapat na. Kaya tawag dito ay scriptsig. Sa paglaon, solusyon sa komplikadong locking script, tulad ng pagbibigay ng higit sa isang signature, ang naging laman. At ng dumating ang SegWit, nakahiwalay na ang Witness na syang solusyon sa locking script. Nabanggit sa Kabanata 4 na ang Witness ay tawag rin sa solusyon ng isang problema sa kriptograpiya. Kaya sa segwit, wala nang unlocking script na nakalagay sa input. Pero matapos masaad ang input at output ng transaksyon, susunod ang witness kung saan nakalagay na ang isa o higit pang signatures na magpapatunay sa solusyon ng locking script.

Maganda ang nakita nating halimbawa na block 777777. Maipagsasama-sama natin ang natutunan sa Kabanata 4 at kabanatang ito. Sa coinbase transaction, ang UTXO ng pabuyang Bitcoin ay 6.43403232 na nakandado sa isang script hash. Pero sa inspeksyon ng pagdaloy ng Bitcoin na ito, ang script hash na iyon ay tumutukoy sa hash ng witness-public key hash. Ibig sabihin, isang private key ng wallet na sumusuporta sa Segwit, pero sa halip na P2WPKH ang gamit, ito ay nested segwit P2SH-P2WPKH. Kaya ang wallet ay may address na nag-uumpisa sa 3.

Sa napiling halimbawang transaksyon naman, ang 0.08850132 Bitcoin ay nakandado sa isang witness script hash, na UTXO sa loob ng isang transaksyon sa Block 777772. Ang witness script hash ay nanggaling sa script na 2 of 3 multisig. Ibig sabihin 2 sa 3 signatures ang kailangan. 2 sa 3 private keys ang gagawa ng signature, at mabeberipika ito ng 2 sa 3 public keys na naibahagi sa script.

Sa input ng transaksyong ito sa Block 777777, isasaad ang pagtatawag ng partikular na UTXO sa 777772. Tapos isasaad ang witness script. Ang witness na naglalaman ng signatures ay nakahiwalay sa input, ito ay dadaanan ng programa matapos masaad ang output.

Sa output ng transaksyon, nahati ang Bitcoin sa dalawa. Ang una, ay sa receiver na kung saan nakandado ang 0.04204000 sa public key hash. Kaya sa block explorer, pinapakita ang isang legacy address (nag-uumpisa sa 1). Ang sukli namang 0.04606132 ay nakandado sa witness script hash, na parehas ang kondisyon sa nireperensyang UTXO sa 777772. Kaya sa pananaw ng wallet at block explorer, ito ay bumalik sa parehas na address ng sender na P2WSH (nag-uumpisa sa bc1).

Ngayon, kapag pinagsama ang halaga ng 2 output na Bitcoin, kulang ng 0.00040000 para maging parehas sa halaga ng input. Iyon na ang transaction fee na isinaad ng sender sa kanyang wallet. Makakasama na ito sa pangkabuuang diperensya ng lahat ng input at output (total fees) na kokolekhatin ng miner ng block 777777.


Kitakits sa ika-10.

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *