Paano ba magkaroon ng Bitcoin? Ang pinakaunang paraan ay ang pagmimina ng Bitcoin. Subalit dahil sa pagtatag ng network, tumaas na ang espesipikasyon ng hardware na kailangan para sa pagmimina. Hindi na praktikal sa karaniwang tao. At kailangan may teknikal na kakayahan ka rin para magawa ito, kahit noong pwede pa gamitin ang personal computer.
Paano na para sa mga baguhan? Maaari kang bumili ng Bitcoin sa mga centralized exchanges. Pwede ka rin makipagtransaksyon peer-to-peer. O kaya naman, kumita ka ng Bitcoin sa pamamagitan ng pagtanggap nito bilang bayad sa iyong produkto o serbisyo.
Centralized Exchange
Labag man ito sa prinsipyo ng Bitcoin na magkaroon ng sariling kontrol sa iyong salapi at privacy, ang paggamit ng centralized exchange ang abot-kayang paraan sa isang bagong kukuha palang ng Bitcoin. Ito kasi ay pamilyar, na para kang magbubukas ng account sa bangko o isang app. Marami nang naitayong kumpanya para rito.
May mga modernong bangko na nagbibigay ng ganitong serbisyo. Ang institusyong ganito ay may e-wallet app na piso, kung saan pwede mo gamitin pambili rin ng Bitcoin. Kaso, madalas rin na ang mga ganitong kumpanya ay may iba pang cryptocurrencies na pwedeng bilhin.
Para sa mga marunong sa trading, may mga exchange din na pwede ka magtakda ng hangganan o ano pang kondisyon sa pagbili (halimbawa: limit, market at stop-limit sa spot trading). Maihahalintulad sa pagbili ng stocks ito. At marami ring exchange sa pagitan ng iba’t ibang cryptocurrencies. Sa katanunayan, depende sa lokasyon mo, mas madali ka pang makakahanap ng exchange na para lamang sa cryptocurrencies, dahil hindi sila napipigilan ng mga hangganan ng teritoryo. At ang pagpapalit pabalik sa fiat currency ng bansa mo ay mas mahirap magawa, dahil sa mga restriksyon.
Ang mga lisensyado o may permiso sa gobyerno na magpatakbo ng cryptocurrency exchange na pwedeng lagyan ng fiat currency, ay sumusunod sa patakaran ng KYC – know your customers – na pinapatupad sa mga insititusyong pinansyal. Kaya, kung gagawa ka ng account, kailangan mong magbigay ng pangalan at iba pang impormasyon, kasama pa ang iyong litrato.
Maaari mong tignan at pagpilian ang mga sumusunod na nakarehistrong Virtual Asset Service Providers (VASPs) sa Pilipinas (1 Oktubre 2024). May mga app din ang iba dyan:
- Betur Inc. (coins.ph)
- Bloomsolutions, Inc.
- Direct Agent 5 (SurgePay mobile app)
- Maya Philippines, Inc.
- Moneybees Forex Corp.
- Philippine Digital Asset Exchange (PDAX)
- TopJuan Technologies Corporation
Bahala ka nang mag-aral at humusga kung ano ang bagay sa iyo. Basta sa umpisa, malamang dadaan ka sa ganito:
Gaya na rin ng bangko, may hangganan ang halaga o dalas ng mga transaksyon, at minsan depende rin ito sa antas ng beripikasyon na ibibigay mo. Halimbawa, may serbisyo na papayag na mas mataas ang halaga na pwede ideposito o withdraw, kung papayag kang ibigay ang iyong address.
Maari ka rin gumamit ng credit card sa iba. Ang mga ito ay kadalasan internasyonal na kumpanya na nakahingi ng permiso mag-opera sa maraming bansa, at nakipagtambal sa iba-ibang payment networks bukod pa sa mga bangko. Kadalasan mahal ang palitan ng dolyar sa piso kapag credit card and gamit mo. Kaya yung pwede sanang e-wallet o kaya bank transfer sa lokal na bangko ang gamitin.
Ang mga centralized exchange ay maaaring may kaltas sa pagpasok at labas mo ng salapi. Pamilyar ka dito kung nag-o-online transfer ka sa pagitan ng magkaibang bangko, at kapag nakaranas ka nang magpadala ng pera gamit ang mga remittance services. May kaltas din sila sa pakikipagpalit mo ng piso sa Bitcoin, na tinatawag na spread. Kumbaga, mas mataas ang palitan kesa kung nakikipag-trade ka diretso sa merkado o market. Ang diperensyang iyon ang kita ng broker. Sa kabaliktaran naman, pag ibebenta mo ang bitcoin para sa piso, mas mababa ang presyo kesa sa market. Ang diperensya uli ang kita ng broker. Yung mga button na Buy o Sell lang, o kaya Quick Buy/Sell, na makikita agad sa interface ng website o app ay malamang ganito ang mekanismo ng mga kaltas.
At gaya ng nabanggit na, kung sanay ka sa stock exchange, forex, etc., pwede ka makipag-trade diretso sa market, para mas maliit ang kaltas. Hanapin mo ang link papunta sa exchange o sa Pro na interface ng website o app.
Peer-to-peer Exchange
Napag-usapan na natin ang ibig sabihin ng peer-to-peer. Magagawa ang pakikipagtransaksyon na ganito kung may mga kakilala kang may Bitcoin. At, kung ang mga kakilala mong iyon ay sang-ayon bitawan ang kanilang Bitcoin!
Sa paraang ito, kailangan lang ng dalawang partido na buksan ang kani-kaniyang wallet. At gamitin ang Send at Receive functions nito.
Pagtratrabaho para sa Bitcoin
Maari ka ring maningil ng bayad na Bitcoin. Kung ikaw ay empleyado ng isang negosyanteng nagbi-Bitcoin, o kaya kung may negosyo ka, at nagpapabayad ka ng Bitcoin. Sa huling halimbawa, pwedeng may nakahanda ka nang QR code na ii-scan ng mga customer para bayaran.
Sa peer-to-peer at pagtratrabaho sa bitcoin, network fees lamang ang mayroon. Wala nang iba pang fee na kukunin ng ibang partido (“third party”). Sa dalawang kaso rin ng pagkakaroon ng bitcoin, dapat ay mayroon ka nang nakahandang wallet.
Pag-usapan natin ito sa susunod. Pero kung gusto mo nang intindihin, mayroon nang naisulat ukol rito sa Kabanata 4.
Kitakits sa ika-21.
Salamat sa pinagsamang:
- Photo by Savvas Stavrinos: https://www.pexels.com/photo/monochrome-photography-of-people-shaking-hands-814544/
- Photo by Ivan Babydov from Pexels: https://www.pexels.com/photo/bitcoin-coin-on-background-of-business-charts-7788006/