Key Path at Script Path sa MuSig2

Ngayon naman, ay pag-usapan natin ang mismong katangian na taproot. Ano pa nga ba sa napag-usapan natin ang may ‘root’? Merkle root! At ang konseptong ito din ang pinagmulan ng taproot.

Ang mga iba-ibang kondisyon upang magasta ang isang UTXO (o Bitcoin na nakatali sa script) ay inaayos sa anyo ng Merkle Tree. Halimbawa, ang MuSig2 ay nakaispesipika para sa n-of-n multi signature (lahat dapat pumirma). Para mapagana sa t-of-n (halimbawa: 2-of-3 sa halip na 3-of-3) ito, maaaring gumawa ng ibang scripts, na alternatibong paraan para maaprubahan ang transaksyon. Paano gagawin iyon?

Ilalagay bilang alternatibong mga scripts ang mga kombinasyon ng 2 signers na posible kapag merong kabuuang 3. Bawat script ay 2-of-2 MuSig2 scheme. Halimbawa, sa 3 partido: A, B at C. May 3 kombinasyon ng tig-2 signers. A&B, B&C, A&C. At bubuuin ang kondisyon para maaaring gumasta gamit ang kahit anong 2-of-2 na kombinasyon. Kaya ang epekto ay parang 2-of-3 multi signature scheme.

Hindi ba mas mabigat ito? Mukha nga, pero, ang paggawa ng scheme na ito ay off-chain.

Ang mga iba-ibang scripts ay gagawan ng Merkle Tree, kung saan ang bawat script ay mapapaloob sa tapleaf. Sa ganitong paraan, magkakaroon ng kondisyon na parang OR – bawat script sa isang leaf ay magiging alternatibong paraan ng paggasta ng UTXO. Tignan natin ang ilustrasyon ng Merkle Tree at relasyon nito sa n-of-n na aggregated key:

Halimbawa ng pagbuo ng taproot output key, na syang pagbabasehan ng taproot address, mula sa taproot internal public key at Merkle Tree ng iba-ibang mapagpipiliang scripts

Ang pinakadisenyo ng pagdeklara ng output key ay ganito:

Q = P + hashTapTweak(p||km)G
Tapos kukunin ang x(Q) = q

Kung saan ang km ay ang root ng Merkle tree, na tumatayong commitment. Ang P ay internal public key, p ay ang x-coordinate nito, na syang taproot internal key. Ang Q ay tweaked o modified public key. At q ang x-coordinate nito, na syang idedeklarang taproot output key. At ito na ang i-eencode para maging Bitcoin wallet address.

Ang UTXO na nakatali sa q na ito ay pwedeng:

  1. Direktang magasta sa pamamagitan ng pagbibigay ng signature na mabeberipika gamit ang Q. Ito ang key path. Ang signature na tinutukoy ay ang gagawin ng tweaked private key. Ano ito? Ito ang private key, d, na tugma sa P, pero dadagdagan ng parehas na tweak: d + hashTapTweak(p||km)G.
  2. Sa isang banda, maaaring gastahin ang UTXO gamit naman ang script path. Ito ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga sumusunod:
    • Partikular na witness;
    • Ang katugma nitong witness script (locking script) sa partikular na leaf ng Merkle tree;
    • Control block, c, na naglalaman ng leaf version, internal key p (na pagkukuhanan ng P), at ang Merkle path na nagpapatunay na nag-commit nga ang Q sa leaf na iyon.
Mga kailangan sa paggastos gamit ang key path (asul), at script path (pula)

Sa ilustrasyon ng taproot paths, ipinakitang key path yung aggregated key ng lahat ng posibleng signers (gamit ang MuSig2). Hindi ito kelangan sundin lagi. Sa paggawa ng taproot address, dapat ay mapagdesisyunan ng mga partido kung ano sa mga scripts na may aggregated (o single) key ang may pinakamataas na posibilidad magamit. Ito ang gagamiting key path, na pagbabasehan ng taproot internal key, p. Ang ibang scripts ang iaayos sa Merkle Tree.

Eh paano kung:

  1. Walang kondisyon na pwedeng pang internal key?
    • Ipipilit ang key path na sa realidad ay pinakamaliit ang posibilidad magamit. Ito ang naipakita nang halimbawa na pagkuha ng aggregated public key ng lahat ng signers – ang kondisyong n-of-n – at gamitin iyong internal key para sa key path.
    • Pwede rin na may pipiliing point sa secp256k1 curve na pagmumukaing internal key, pero sikretong mabeberipika ng mga nagmamay-ari ng address, na wala talagang key path na kondisyon.
  2. Walang gusto o kelangan na script (halimbawa single sig lang pala)? Ang output key point ay Q = P + hashTapTweak(p)G. Saka kukunin ang q na i-eencode sa anyo ng Bitcoin address.

Kitakits sa ika-10

Salamat sa mga litratong minodipika para sa pambungad na imahe:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *