Lohikal lang para sa miners na ang mga transaksyon ay aayusin mula sa may pinakamataas na fees, pababa. Subalit dahil sa mga transaksyong tinuturing na spam, may mga miners na binabago ang software para sadyaing hindi isama ang mga spam kahit pa malaki ang fees nito. Hindi nangangahulugang sila ang tama, ito ay base sa paniniwala at prinsipyo kung san mas nararapat gamitin ang pagsisikap para sa Bitcoin.
Isang halimbawa ng spam ay ang mga ordinals, na non-fungible tokens (NFT) sa Bitcoin blockchain. Kung saan, pinupuno ng arbitraryong laman ang witness data o kaya naman ang output gamit ang OP_RETURN, ng text, image, video atbp. kasyang files.
Sa ordinal theory ni Casey Rodarmor, ang bawat sats ay may kaukulang pwesto na pwedeng gawan ng numbering scheme. Kaya natawag na ordinals ang mga NFT sa Bitcoin blockchain. Depende na sa tao kung ano ang gusto nyang ordinal. Pero ang mga peryodikong pangyayari sa Bitcoin tulad ng difficulty adjustment, halving, atbp. ay maaaring bigyan ng kahalagahan. Kaya, ang paglunsad ng ordinal ay mapapansing nag-uumpisa sa pagsasaad ng malaking transaction fee, para makuha nito ang unang pwesto sa block na sakto sa isang cycle.
Ang hindi pangkaraniwang laki ng transaction fee ay nakakatulong nga sa kita ng mga miners. Subalit, nagdudulot ito ng pag-eetsepwera ng mga normal na transaksyon. At dahil sa arbitraryong witness data o OP_RETURN data, nakakalaki ng memoryang gamit ng mga nodes para sa UTXO set at sa blockchain. Kaya, ang komunidad ng Bitcoin ay hati ang opinyon sa ordinals.
At nung nakaraang taon (2025), lalong naging mainit ang debate dahil sa ika-30 na bersyong ng Bitcoin Core, tinanggal ang 80 bytes na limitasyon sa OP_RETURN. Para sa mga developers, mas madadalian kang makita at tanggalin sa UTXO set ang spam kung ayaw mo. May mga paraan pa rin kasi ang mga spammers na itulak ang mga ordinals o NFTs kahit na may limitasyong nakatakda. Sa isang banda, naniniwala ang iba na ang pagkakaroon ng limitasyon ay kanais-nais na magsasagabal sa mga spammers. Ang isyung ito ay nagdulot rin ng pagsulong at paglipat ng iba sa Bitcoin Knots na implementasyon, sa halip na mag-upgrade ng bersyon ng Bitcoin Core.
Kitakits sa ika-21
Salamat sa Grok para sa pambungad na imahe.
