Base 58 na anyo ng Bitcoin address
Ang Base 58 ay sistema ng representasyon ng numero gamit ang pinaghalong numero at alpabeto (alphanumeric). Halimbawa, pamilyar tayo sa decimal system na gamit ang numerong 0 – 9 (“deci” – 10 – bilang ng baseng numero). Minsan, para mas maging siksik pa ang representasyon ng numero, gumagamit ng hexadecimal (base 16) na system. Bukod sa digits na 0, 1, 2…9, dagdag pa ang mga letrang A, B, … F para makabuo ng 16 na base. Ang ganitong mga sistema ay nakakatulong makatipid sa memorya ng kompyuter kapag malalaking halaga ang sangkot. Halimbawa, ang 16 sa decimal ay F sa hexadecimal. Kita mo? Mas maiksi ang itatagong halaga ng kompyuter.
Sa Base 58, gumagamit ng mga numero, at maliliit at malalaking titik sa alpabeto. Pero, tinanggal ang mga nakakalitong numero/letra na: 0 (Zero), O (malaking o), l (maliit na L), I (malaking i). Kaya, 9 na numero, 24 na malalaking letra ng alpabeto, at 25 na maliliit na letra ng alpabeto: 1, 2, 3, 4, 5, 6, 7, 8, 9, A, B, C, D, E, F, G, H, J, K, L, M, N, P, Q, R, S, T, U, V, W, X, Y, Z, a, b, c, d, e, f, g, h, i, j, k, m, n, o, p, q, r, s, t, u, v, w, x, y, z.
Bakit ito ang napili? Para mas maiksi basahin kesa kapag nakarepresenta ng mas mababang base na system ang Bitcoin address. At dahil nga tinanggal ang mga nakakalitong numero at titik, mababawasan ang pagkakamali sa pagbasa at sulat nito.
Subalit, makikita mo maya-maya na mapapalitan din ito sa mga mas bagong anyo ng Bitcoin address. Ngayon pag-usapan na natin ang iba-ibang Bitcoin address.
Legacy Bitcoin address
Ang unang anyo ng Bitcoin address ay nabubuo kapag ang public key ay dadaan sa 2 hashing functions (SHA-256 at RIPEMD160), tapos ang resulta ay i-e-encode sa Base58Check. Kaya ang isang acronym dito ay P2PKH – Pay to public key hash.
Ang Version na dinuduktong sa unahan ng public key hash ay 00. Magdudulot ito ng Base 58 Encode na nag-uumpisa sa 1. Iyan ang isang palatandaan ng legacy bitcoin address.
Ang Check sa Base58Check ay tumutukoy sa pagsama ng Checksum sa gagawing Bitcoin address.
Ang checksum ay maliit na bloke ng data mula sa mas malaking bloke ng data na isinasama sa totoong kailangan na data. Ang paggamit ng checksum ay ginagamit sa information technology upang matignan kung nagkaroon ng pagkakamali sa transmission at storage ng mga data.
Sa ilustrasyon sa taas, makikita na ginamit ang Version at Public Key hash, na syang mahalaga at kailangan na data, upang mag double hash. Tapos, kukunin lamang ang 4 bytes ng resulta at iduduktong doon sa orihinal na data na kailangan.
At nakita mo na kung ano ang detalye ng mahika ng matematika na pinatikim sa Kabanata 2. Sa totoo lang, detalyeng ilustrasyon, hindi ang detalye ng madugong matematika ang pinakita natin. Pero ayos na yan, basta kuha mo na ang konsepto. Tama ba?
Napag-usapan naman na natin sa Kabanata 3 ang komplikasyon ng hashing function na tulad ng SHA-256. Idagdag lang natin na ang ikalawang hashing function na dinadaanan para marating ang public key hash ay RIPEMD-160 (RIPE Message Digest 160) na nagreresulta sa 160 bits o 20 bytes na haba ng hash. Kung saan, RIPE – RACE Integrity Primitives Evaluation; at RACE – Research and Development in Advanced Communications Technologies in Europe. Basta RIPEMD-160!
Sa susunod ay pag-usapan natin ang isa pang uri ng address na sumusunod sa Base 58 na anyo.
Kitakits sa ika-10.